Ama ko! Ama ko!
Mula r’yan sa langit
na tinatahanan
ng iyong pag-ibig,
dumungaw Ka, Ama,
at Iyong pakinggan ang hapis na tinig
ng aba Mong lingkod sa kanyang pag-awit.
Sa pagdadala ko ng aking tungkulin,
Ama ko, gawin Mo akong masunurin;
maanong likhaan
ng isip at puso na mapagpasakop
ang kalooban Mo ay laging masunod!
Sa dako pa roon ng aking lakbayin
aking natatanaw, may bagyong parating;
nag-aalimpuyo
ang ihip ng hangin at kumukulog pang
waring tinatakot ang Iyong hinirang.
Ama ko! Ama ko! Ako’y kahabagan
pagsapit ng bagyo’y pakisaklolohan;
yakapin Mo ako,
huwag Mong itulot na ako’y tangayin
niyaong bagyong iyong pagsubok sa akin!
Kung sa pagdadala ng aking tungkulin
buhay ko’y mapatid, hininga’y kapusin,
salamat po, Ama,
at itinulot Mong dadalhin kong yaman
ang aking tungkulin sa aking libingan!
At sa pagparito ng Bugtong Mong Anak
sa araw na iyong araw na mapalad,
Ama, kahabagang
sa mangaliligtas na mga hinirang
ay pakisama Mo ang aking pangalan!
Payagan Mo, Ama, na hanggang sa langit
ako ay magiging Iyong mang-aawit!
Amen
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento