Huwebes, Hulyo 30, 2015

Awit Ng Isang Mang-aawit


Ama ko! Ama ko! Mula r’yan sa langit
na tinatahanan ng iyong pag-ibig,
dumungaw Ka, Ama,
at Iyong pakinggan ang hapis na tinig
ng aba Mong lingkod sa kanyang pag-awit.

Sa pagdadala ko ng aking tungkulin,
Ama ko, gawin Mo akong masunurin;
maanong likhaan
ng isip at puso na mapagpasakop
ang kalooban Mo ay laging masunod!

Sa dako pa roon ng aking lakbayin
aking natatanaw, may bagyong parating;
nag-aalimpuyo
ang ihip ng hangin at kumukulog pang
waring tinatakot ang Iyong hinirang.

Ama ko! Ama ko! Ako’y kahabagan
pagsapit ng bagyo’y pakisaklolohan;
yakapin Mo ako,
huwag Mong itulot na ako’y tangayin
niyaong bagyong iyong pagsubok sa akin!

Kung sa pagdadala ng aking tungkulin
buhay ko’y mapatid, hininga’y kapusin,
salamat po, Ama,
at itinulot Mong dadalhin kong yaman
ang aking tungkulin sa aking libingan!

At sa pagparito ng Bugtong Mong Anak
sa araw na iyong araw na mapalad,
Ama, kahabagang
sa mangaliligtas na mga hinirang
ay pakisama Mo ang aking pangalan!

Payagan Mo, Ama, na hanggang sa langit
ako ay magiging Iyong mang-aawit!


                                                Amen

“Sampung Pangunahing Tungkulin ng Bawat Kaanib Sa Iglesia Ni Cristo Upang Mamalagi Sa Kaligtasan”


                                        Sa pamamagitan
                                        ng pamamahala sa Iyong Iglesia,
                                        Ama, malinaw pong naririnig Kita;
                                        sinasabi Mong ako’y Iyong mahal—
                                        ililigtas ako kung magpakasakdal.

                                        Nakikipagtipan—
                                        Ama, naririto ang sagot ko naman
                                        sa ibinigay Mong mga kautusan;
                                        sa aking pagtupad, maanong gabayan,
                                        pakipagpala po ang Iyong hinirang.

                                        (1)    Iibigin kita—
                                        pagsusumikapang sa Iyong paningin
                                        ay mamamalaging tapat na alipin;
                                        ipinangangako na laging susundin
                                        ang mga utos Mo at mga tuntunin.

                                        (2)    Sa mga pagsamba
                                        at pagkakatipon sa Iyong Iglesia
                                        ay tinatanggap ko ang Iyong salita,
                                        kaya sa Iyo, Ama’y ang lagi kong sumpa
                                        pagtatapatan ko ang ganitong gawa.

                                        (3)    Di ako uurong—
                                        hindi na babalik sa kapahamakan
sapagkat tiyak ko na ang kaligtasa’y
sa Iglesiang ito lamang makakamtan—
Iglesia Ni Cristo ang kanyang pangalan.

(4)    Sumasampalataya—
sa mga bagay Mong hindi nakikita
nananalig akong buong-buo, Ama,
sa Bugtong Mong Anak, sumasampalataya,
Kayo aking Ama’y pinakasasamba.

(5)    Pagsusumikapang
laging malugod Ka sa Iyong hinirang—
ipinangangakong di ko lalakaran
ang buhay na liko at gawa ng laman,
mabubuhay ako nang may kabanalan.

(6)    Sa Iyong Iglesia
ang aming turingan ay magkakapatid;
Ama, sa panig ko, anumang sasapit
dito sa puso ko’y hindi mawawaglit
ang pagmamahal ko sa aking kapatid.

(7)    Pagtatalagahan
gawang paghahandog pati paglalagak
pagkat mula rito ang gugol-pantatag
at pagpapaayos sa mga sambahan
kung saan ka namin pinapapurihan.

(8)    Ako’y magbubunga—
ako ay patuloy na magsisigasig
na makapag-akay ng mga babalik
sa mga aral Mo na tinatangkilik
dito sa Iglesiang Iyong iniibig.

(9)    Pakamamahalin—
ang ipinagkaloob sa aking tungkulin
ay taos-sa-puso na laging tutupdin;
pagtatalagaha’t tapat na dadalhin
nang upang huwag Mong bawiin sa akin.

(10)    Walang reserbasyong
ako’y pasasakop sa pamamahala
pagkat ako, Ama’y sumasampalatayang
sinugo Mo sila upang pangunahan
ang pagsamba namin sa Iyong pangalan.

(Nagmamakaawa—
hanggang dito, Ama’t ako’y umaasa,
na gagabayan Mo ang aking paggawa
huwag pong itulot na ako’y manghina…
sa Banal Mong Bayan, tayo’y magkikita!)