Lunes, Oktubre 26, 2015

Iglesia ni Cristo Crisis

Nakalulungkot ang kasalukuyang kaganapan sa Iglesia ni Cristo...
sana makabalik siya sa kanyang dating ningning...
iyong  kalagayang "ilaw at asin" siya ng sanlibutan...
iyong pinag-uusapan siya dahil sa dalisay niyang aral...

Sana makabalik siya sa kalagayang iyon...

Bakit ayaw nating pakinggan kung sino man si Antonio Ebanghelista?
Sa tingin ko, ang tanging hangarin naman niya ay malinis sa katiwalian ang INC.

Mmmm... pero baka mali ako
o baka kayo ang mali...

Ama, kahabagan mo po ang iyong kawan.



Miyerkules, Agosto 19, 2015

Tula Para Kay Ka Felix

Nang pasimulan mo
ang iyong gampanin bilang huling sugo,
ikaw ay nilait, inusig ng tao;
pinagtawanan ka nang marinig sa iyo
ang mga doktrina na anila’y bago.

Ang di nila alam
at hindi nagawang sampalatayanan,
Mahal na Ka Felix, ikaw ay hinirang;
sugo ka ng Ama na kinasangkapan
nang muling bumangon ang kay Kristo’ng kawan.

At nagpatuloy ka
sa iyong gampaning kaloob ng Ama;
ma-araw, ma-gabi ay walang pagod ka
sa buong ningas mo na pagdo-doktrina
at pagpapahayag ng Kanyang salita.

Palibhasa’y tapat
at taos-sa-puso ang iyong pagtupad
pinagpala ng Dios ang lahat mong lakad;
iningatan ka Niya at pinagtagumpay
sa masamang balak ng mga kaaway.

Kung pumanaw ka man
at pinagpahinga ng sa iyo’y humirang,
Mahal na Ka Felix, ang totoo po n’yan,
itinuturing kong hindi ka lumisan
kapiling ka namin sa kasalukuyan. 

Nakikita kita
sa pamamahalang higit pa sa labis
ang pinupuhunang pagmamalasakit;
nadarama kita sa bawat kapatid
 na handang sumunod kahit pa magtiis.

Ka Felix! Ka Felix! Ang tula pong ito

ay inihahandog sa alaala mo!

Huwebes, Hulyo 30, 2015

Awit Ng Isang Mang-aawit


Ama ko! Ama ko! Mula r’yan sa langit
na tinatahanan ng iyong pag-ibig,
dumungaw Ka, Ama,
at Iyong pakinggan ang hapis na tinig
ng aba Mong lingkod sa kanyang pag-awit.

Sa pagdadala ko ng aking tungkulin,
Ama ko, gawin Mo akong masunurin;
maanong likhaan
ng isip at puso na mapagpasakop
ang kalooban Mo ay laging masunod!

Sa dako pa roon ng aking lakbayin
aking natatanaw, may bagyong parating;
nag-aalimpuyo
ang ihip ng hangin at kumukulog pang
waring tinatakot ang Iyong hinirang.

Ama ko! Ama ko! Ako’y kahabagan
pagsapit ng bagyo’y pakisaklolohan;
yakapin Mo ako,
huwag Mong itulot na ako’y tangayin
niyaong bagyong iyong pagsubok sa akin!

Kung sa pagdadala ng aking tungkulin
buhay ko’y mapatid, hininga’y kapusin,
salamat po, Ama,
at itinulot Mong dadalhin kong yaman
ang aking tungkulin sa aking libingan!

At sa pagparito ng Bugtong Mong Anak
sa araw na iyong araw na mapalad,
Ama, kahabagang
sa mangaliligtas na mga hinirang
ay pakisama Mo ang aking pangalan!

Payagan Mo, Ama, na hanggang sa langit
ako ay magiging Iyong mang-aawit!


                                                Amen

“Sampung Pangunahing Tungkulin ng Bawat Kaanib Sa Iglesia Ni Cristo Upang Mamalagi Sa Kaligtasan”


                                        Sa pamamagitan
                                        ng pamamahala sa Iyong Iglesia,
                                        Ama, malinaw pong naririnig Kita;
                                        sinasabi Mong ako’y Iyong mahal—
                                        ililigtas ako kung magpakasakdal.

                                        Nakikipagtipan—
                                        Ama, naririto ang sagot ko naman
                                        sa ibinigay Mong mga kautusan;
                                        sa aking pagtupad, maanong gabayan,
                                        pakipagpala po ang Iyong hinirang.

                                        (1)    Iibigin kita—
                                        pagsusumikapang sa Iyong paningin
                                        ay mamamalaging tapat na alipin;
                                        ipinangangako na laging susundin
                                        ang mga utos Mo at mga tuntunin.

                                        (2)    Sa mga pagsamba
                                        at pagkakatipon sa Iyong Iglesia
                                        ay tinatanggap ko ang Iyong salita,
                                        kaya sa Iyo, Ama’y ang lagi kong sumpa
                                        pagtatapatan ko ang ganitong gawa.

                                        (3)    Di ako uurong—
                                        hindi na babalik sa kapahamakan
sapagkat tiyak ko na ang kaligtasa’y
sa Iglesiang ito lamang makakamtan—
Iglesia Ni Cristo ang kanyang pangalan.

(4)    Sumasampalataya—
sa mga bagay Mong hindi nakikita
nananalig akong buong-buo, Ama,
sa Bugtong Mong Anak, sumasampalataya,
Kayo aking Ama’y pinakasasamba.

(5)    Pagsusumikapang
laging malugod Ka sa Iyong hinirang—
ipinangangakong di ko lalakaran
ang buhay na liko at gawa ng laman,
mabubuhay ako nang may kabanalan.

(6)    Sa Iyong Iglesia
ang aming turingan ay magkakapatid;
Ama, sa panig ko, anumang sasapit
dito sa puso ko’y hindi mawawaglit
ang pagmamahal ko sa aking kapatid.

(7)    Pagtatalagahan
gawang paghahandog pati paglalagak
pagkat mula rito ang gugol-pantatag
at pagpapaayos sa mga sambahan
kung saan ka namin pinapapurihan.

(8)    Ako’y magbubunga—
ako ay patuloy na magsisigasig
na makapag-akay ng mga babalik
sa mga aral Mo na tinatangkilik
dito sa Iglesiang Iyong iniibig.

(9)    Pakamamahalin—
ang ipinagkaloob sa aking tungkulin
ay taos-sa-puso na laging tutupdin;
pagtatalagaha’t tapat na dadalhin
nang upang huwag Mong bawiin sa akin.

(10)    Walang reserbasyong
ako’y pasasakop sa pamamahala
pagkat ako, Ama’y sumasampalatayang
sinugo Mo sila upang pangunahan
ang pagsamba namin sa Iyong pangalan.

(Nagmamakaawa—
hanggang dito, Ama’t ako’y umaasa,
na gagabayan Mo ang aking paggawa
huwag pong itulot na ako’y manghina…
sa Banal Mong Bayan, tayo’y magkikita!)