Miyerkules, Agosto 19, 2015

Tula Para Kay Ka Felix

Nang pasimulan mo
ang iyong gampanin bilang huling sugo,
ikaw ay nilait, inusig ng tao;
pinagtawanan ka nang marinig sa iyo
ang mga doktrina na anila’y bago.

Ang di nila alam
at hindi nagawang sampalatayanan,
Mahal na Ka Felix, ikaw ay hinirang;
sugo ka ng Ama na kinasangkapan
nang muling bumangon ang kay Kristo’ng kawan.

At nagpatuloy ka
sa iyong gampaning kaloob ng Ama;
ma-araw, ma-gabi ay walang pagod ka
sa buong ningas mo na pagdo-doktrina
at pagpapahayag ng Kanyang salita.

Palibhasa’y tapat
at taos-sa-puso ang iyong pagtupad
pinagpala ng Dios ang lahat mong lakad;
iningatan ka Niya at pinagtagumpay
sa masamang balak ng mga kaaway.

Kung pumanaw ka man
at pinagpahinga ng sa iyo’y humirang,
Mahal na Ka Felix, ang totoo po n’yan,
itinuturing kong hindi ka lumisan
kapiling ka namin sa kasalukuyan. 

Nakikita kita
sa pamamahalang higit pa sa labis
ang pinupuhunang pagmamalasakit;
nadarama kita sa bawat kapatid
 na handang sumunod kahit pa magtiis.

Ka Felix! Ka Felix! Ang tula pong ito

ay inihahandog sa alaala mo!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento